Hinggil sa mabagal at inutil na pagtugon ng gubyerno sa kalamidad dulot ng pagputok ng bulkang Taal

Pahayag | Patnubay de Guia
Tagapagsalita, NDFP ST
January 17, 2020

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang kainutilan at pagiging bangkarote ng gubyernong Duterte sa makupad pa sa pagong na paghahatid ng serbisyo sa puo-puong libong sinalanta at biktima ng pagputok ng bulkang Taal. Tinatayang aabot na sa 40,752 katao ang nadisloka sa pagsabog ng bulkang Taal at 38,203 ang nasa 198 na mga evacuation center sa Batangas at Cavite. Napipintong madisloka pa ang may 300,000 mamamayan kapag nangyari ang pinangangambahang kasunod na mas malakas na pagsabog.

Unang araw pa lamang ng pagsisimula ng pag-aalburoto hanggang sa aktwal na pagputok ng bulkang Taal, pangita na agad ang kapabayaan at kawalang kahandaan ng gubyerno sa pagtugon sa kalamidad. Hindi agad naiparating ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa lokal na katapat nito sa probinsya ng Batangas ang kautusan sa mga lokal na gubyerno na agaran nang palikasin ang mga tao na naninirahan sa isla ng bulkang Taal at mga nasa paligid ng Lawa ng Taal matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang alert level 4 mula sa dating alert level 2.

Sa kawalan ng maagap na abiso mula sa gubyerno maraming tao ang nalagay sa panganib habang ang iba ay nagkusa nang nagsilikas at nagkanya-kanya nang hanap ng mga lugar para sa kanilang kaligtasan. Ang ilang residente mula sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo ay binagtas ang matarik at mapanganib na daan papuntang Alfonso, Cavite para iligtas ang sarili dahil sa kawalan ng dumarating na tulong mula sa gubyerno para sila ay agarang mailikas.

Ipinapakita ng mga pangyayari kung gaano kakupad, kainutil at dis-organisado ang pagtugon ng rehimeng Duterte at mga ahensya nito sa mga pangangailangan ng mga mamamayang nagbakwit.

Wala talaga sa interes ng gubyernong Duterte ang pagbibigay ng prayoridad at mabigat na pansin upang paghandaan ang darating na mga kalamidad sa bansa. Katunayan, imbis na dagdagan ang kakapiranggot na 20 bilyong piso na calamity fund noong 2019 binawasan pa ito ng 4 bilyong piso ngayong 2020 habang pinalaki tungong 9.3 bilyon ang confidential and intelligence funds ng Office of the President, Department of National Defence, DILG at iba pang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na gagamitin lamang sa pagsupil sa mamamayan.

Ang mga intelligence and confidential fund ay hindi sumasailalim sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaya malayang nagagawa ng mga tiwaling opisyal ng gubyerno tulad ni Duterte na waldasin at kurakutin ang pondo ng bayan. Bukod pa dito ang mga isiningit sa badyet na bilyon-bilyong pork barrel ng mga gahamang Kongresista at Senador.

Katulad ito sa patuloy na pagliit ng pondo na inilalaan ng gubyerno sa mga serbisyong panlipunan. Ang maliit na ngang nakalaan para sa calamity fund ng mga lokal na gubyerno ay lalo pang nababawasan nang malaki dahil sa talamak na korupsyon ng matataas na opisyal ng gubyerno. Samantala, patuloy namang naglalakihan ang mga pondo ng AFP at PNP lalo na ang kanilang intelligence fund at budget sa madugong gyera sa iligal na droga at kontra insurehensya. Halos doble din ang inilaki ng pondong nakalaan sa intelligence and confidential fund ng Office of the President na umabot sa 4.5 bilyong piso mula sa dating 2.5 bilyong piso noong 2019.

Walang kahihiyan pang nanawagan si Año sa mga pribadong donasyon para sa mga bakwit ng pagsabog ng bulkang Taal habang iniipit at ibinubulsa ng DILG at mga tiwaling opisyal ng reaksyunaryong gubyerno ang bilyon-bilyong calamity fund.

Kung tutuusin mula sa mga pribadong entidad ang dumadagsang donasyon at tulong. Aktibo ding ibinubukas ng simbahan at mga pribadong mapagkawang-gawa ang kanilang rekurso at pasilidad para sa mga bakwit. Mula sa mga organisasyon ng mamamayan at mga estudyante nagmumula ang maraming mga boluntaryo sa mga relief operation na inoorganisa ng mga progresibo.

Sa harap ng malaking sakunang ito, nakuha pa ng mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na gamitin ang kalamidad para makakuha ng publisidad at magpabango sa tao. Ipinapakita lamang ito ang pagiging manhid, hiwalay sa reyalidad at kawalan ng malasakit ng pasistang rehimeng US-Duterte sa kinasasadlakang kalagayan ng mga mamamayang nasalanta at naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.

Wala sa lugar at manhid ang pahayag ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) na handa nilang pautangin ng halagang 25 libong piso, na walang interes at babayaran sa loob ng 3 taon, ang mga magsasaka at mangingisdang napinsala ng pagsabog ng bulkang Taal. Malaking insulto ito para sa mga magsasaka at mangingisda na nadisloka ng pagsabog ng bulkang Taal. Kagyat na tulong at hindi pautang ang kailangan nila sa kasalukuyan. Kailangan din nila ang malinaw, komprehensibo at pangmatagalang plano mula sa gubyerno kung paano sila matutulungan para ibangon ang nawasak nilang tahanan at kabuhayan. Sa inihahaing pautang ng DA, hindi pa man nakakabangon ang mga magsasaka at mangingisda sa pinsala ng pagputok ng bulkang Taal, gusto pa silang ibaon ng DA sa panibagong pagkakautang.
Isa pa itong garapal at pasistang Secretary Eduardo Año ng DILG na walang kahihiyang ipinababalikat sa mga pribadong entidad ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal habang ang kanyang ahensya, na limpak limpak ang hawak na intelligence fund, ay ni wala o kakarampot ang halagang inilaan sa pagtulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal. Mas gugustuhin pa ng pasistang si Secretary Año na gamitin ang pondo ng DILG sa pagsupil at pagpaslang sa mga mamamayan na itinuturing nilang “kaaway ng estado” kaysa paglaanan ng pondo ang mga biktima ng kalamidad.

Samantala, nanatiling buhay ang diwa ng damayan at pagmamalasakit sa hanay ng ating mga kababayan. Mabilis na dumaloy at bumaha ang mga tulong na nanggaling sa mga pribadong indibidwal, simbahan, institusyon, mga progresibong grupo at samahan, mula sa iba’t ibang panig ng bansa, na di hamak na mas mabilis makarating sa tao kumpara sa tulong na nanggagaling sa reaksyunaryong gubyerno.

Kahanga-hanga din ang mabilis na pagtugon ng ating mga kababayan sa pangangailangan ng mga bakwit. Sila ang unang nakatugon at nakasagip sa mga kababayan nating nalagay sa panganib ang buhay dahil sa pagputok ng bulkang Taal. Mabilis ilang nangalap ng mga donasyon at tulong para agarang ipantawid-gutom ng mga nasalanta. Ibinukas nila ang kanilang mga tahanan para kupkupin ang mga nagsilikas bilang alternatibo sa kakulangan ng mga lugar para gawing evacaution center ng mga lokal na gubyerno.

Kabaligtaran ito sa mga ginawa at naging performance ng mga ahensya ng gubyernong Duterte. Ang tanging ipinamamalaki ng NDRRMC na ayuda ay ang ga-mumong humigit-kumulang sa dalawang (2) milyong panagip na tulong. Samantala, si Duterte ay 2 milyong face mask lamang ang naipadalang tulong sa mga sinalanta ng pagputok ng bulkan.

Lalo lamang nahubad sa publiko ang pagiging inutil, pabaya at walang malasakit ng pasistang rehimeng US-Duterte sa pangangailangan at kapakanan ng taumbayan. Ang pagbisita niya sa evacuation center sa Bauan, Batangas ay bahagi ng kanyang media publicity—pagpapakitang-tao at pagkukunwaring nakikiramay sa sinapit ng mga kababayan nating Batangueño. Hindi na nito kaya pang tabunan o pagtakpan ang kanyang mga kapabayaan, kawalan ng kahandaan at pagiging inutil sa pagtugon sa mga kalamidad na dumarating sa bansa. Ang gubyernong Duterte mismo ang pinakamalaking kalamidad na tumama sa mamamayan.

Ang NDFP-ST ay laging kaisa at maaasahan ng taumbayan sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating sinalanta ng pagputok ng bulkang Taal tulad sa naging tulong nito sa mga biktima ng mga bagyo at lindol sa nakaraan. Mahigpit ding kaisa at laging kasama ng taumbayan ang rebolusyonaryong kilusan sa patuloy na paglaban sa mga anti-mamamayang patakaran at programa ng korap, traydor, pabaya, kriminal at pusakal na mamamatay tao na pasistang rehimeng US-Duterte. ###

LdGC, Tinugunan ang kahilingan ng mamamayan sa Oriental, Mindoro na ipasara ang mapangwasak sa kabuhayan at kapaligiran na Kumpanya ng Quarry!

Press Statement
16 January 2020

Reference Person: Madaay Gasic
Spokesperson, Lucio de Guzman Command
New Peoples Army Mindoro

Matagumpay na nireyd ng isang yunit ng Lucio de Guzman upang ipasara ang Aglubang Mining Corp. sa 213, Barangay Alcate, Victoria, Oriental Mindoro noong Enero 15, 2020, 6:18 ng hapon.

Kasabay ng pagkausap sa may-ari na si Jovert Literal, sinira ng BHB ang isang ten wheeler dump truck at isang traktora ng nasabing kumpanya sa quarry. Tugon ito sa daing ng mamamayan ng Oriental Mindoro laban sa mapanirang negosyo.

Matagal nang nirereklamo ang operasyong quarry ng mga taga Naujan at Victoria. Bago pa man nagsimula itong mag-opereyt ay may kaso na ito ng pangangamkam ng lupa. Marahas na pinalayas gamit ang bayarang goons ng kumpanya ang ilang pamilya sa mismong itinayong quarry site.

Bukod pa rito simula nang itoy nagtuloy-tuloy sa operasyon ay nagdulot ng malaking pinsala sa kapaligiran, buhay at kabuhayan ng mamamayan ng bayan ng Naujan at Victoria. Hinaharangan nito ang ilog ng mga gabions upang kumuha ng mga bato at buhangin at ipinapaapaw naman ang mga tubig direkta sa mga bahayan at tubigan ng mga barangay Tagumpay, Inarawan, Bagong Buhay 1, San Nicolas, Tigkan at Apitong ng Naujan. Gayundin sa barangay Antonino, Alcate at Bagong Buhay 2 ng Victoria.

Apektado ang dalawang (2) bayan at siyam (9) na barangay na nakapaligid sa quarry site na may higit 15,309 na bilang ng mga residente. Sa kada paapaw ng tubig ng kumpanya ay perwisyo ang dinudulot nito. Bumabaha sa mga bahayan at tubigan na nagdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan at ari-arian ng mamamayan.

Ang hakbang pamamarusa ng LdGC-NPA-Mindoro laban sa kumpanyang ito ay dapat na magsilbing babala sa lahat ng mga malakihan at mapanirang proyekto na nag-oopereyt sa buong isla. Ang rebolusyunaryong kilusan ay naninindigan na hindi dapat magpatuloy ang mga proyekto at negosyong lumalabag sa karapatang tao, sumisira sa kabuhayan ng mamamayan at nagwawasak ng kalikasan.

Makakaasa lagi ang mamamayan na laging ipagtatanggol ng CPP-NPA ang kanilang interes laban sa mapangwasak na operasyon ng malalaking negosyo na sumisira sa kanilang kabuhayan at kapaligiran.###

CPP at NPA sa ST, lumaban para sa pangmatagalan at makatarungang kapayapaan! EO 70 at JCP Kapanatagan, tuluy-tuloy na biguin ngayong 2020

Melito Glor Command
New People’s Army
Southern Tagalog

Enero 16, 2019

Reference: Armando Cienfuego, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog

Mainit na sinasalubong ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang taong 2020 na buo ang pasyang dalhin sa mas mataas na antas ang digmang bayan at tuluy-tuloy na biguin ang kontra-rebolusyonaryong gerang JCP Kapanatagan at whole-of-nation-approach ng Executive Order 70 ng rehimeng US-Duterte. Alinsunod sa atas ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa TK, naghahanda ang lahat ng yunit ng NPA para sa maigting na paglaban at pagtatanggol sa mamamayan sa harap ng posibilidad ng muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP.

Buong pusong tutuparin ng MGC ang mga tungkuling iniatang dito ng Partido. Ngayong 2020, ibayong magpapalakas at magpapakahusay ang Pulang hukbo sa TK sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya upang harapin at biguin ang bata-batalyong pwersa ng AFP-PNP na nananalasa at naghahasik ng teror sa mamamayan ng kanayunan at kalunsuran. Higit nitong pahihigpitin ang ugnayan sa mga magsasaka, manggagawa at aping mamamayan na siyang balon ng hindi masasaid na lakas ng rebolusyon. Sa kanila magmumula ang pinakamabubuting anak ng bayan na sasapi sa NPA at hahawak sa mabibitiwang armas ng mga martir ng rebolusyon.

Tuntungan ng hukbong bayan ang mga tagumpay sa mga nagdaang taon para matamo ang malalaking hakbang pasulong sa rehiyon. Determinado ang MGC na biguin ang focused military operation (FMO) ng AFP-PNP sa pamamagitan ng mas maraming aksyong militar at pagsaklaw sa mas malawak na erya para sa gawaing masa sa kanayunan. Ang walang puknat na operasyong militar ng AFP-PNP ay higit pang maghahasa sa kakayahan ng mga Pulang mandirigma. Maitataas pa nga nito ang antas ng taktika at pamumuno sa mga yunit gerilya. Kaalinsabay, bibigyan ng pansin ng mga opisyal pampulitika ng Hukbo ang pag-aangat sa pampulitikang kamalayan ng mga kasama upang patatagin ang kanilang paninindigan at tiyakin na pulitika ang namumuno sa baril.

Bagamat bukas ang MGC-NPA ST sa muling pagbubukas ng peace talks, hindi ito nagpapakasapat sa mga binibitiwang salita ng GRP. Tatalima ang MGC-NPA ST sa atas ng Partido na manatiling alerto at huwag hayaang magtagumpay ang mga tusong pakana ng mga peace saboteur ng rehimen na bitagin at pasukuin ang CPP-NPA-NDFP gamit ang peace talks.

Mahigpit na itinataguyod MGC-NPA ST ang linya ng Partido na makakamit lamang ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan sa Pilipinas kung malulutas ang sanhi ng armadong labanan na nakaugat sa kahirapan at pagkaatrasado ng bansa. Malaon nang hinahangad ng mamamayan ang hustisyang panlipunan mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US at magkasamang paghahari ng mga malalaking burgesya-kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Ang mga pundamental na suliraning ito ang ugat ng gyera sibil sa bansa at kung bakit patuloy na itinataguyod ng NPA ang armadong pakikibaka.

Makakaasa ang mamamayan na mananatiling tunay na hukbo nila ang NPA na palaging magtatanggol sa kanilang interes at karapatan mula sa mga mapagsamantala at mapang-aping uri. Anumang atake at imbing pakana ng rehimeng US-Duterte at ng mga sagadsaring pasista ng AFP-PNP para sa 2020 ay tiyak na bibiguin ng NPA. Sa pamumuno ng Partido at pagtangkilik ng mamamayan, susulong ang armadong pakikibaka sa rehiyon ng TK sa mas mataas na antas at buong lakas na mag-aambag sa pagdadala sa rebolusyong Pilipino sa pintuan ng estratehikong pagkapatas. ###

AFP-PNP, para sa cease talks, hindi peace talks

Melito Glor Command
New People’s Army
Southern Tagalog

Enero 16, 2020
Press Statement

Reference Person: Armando Cienfuego, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army — Southern Tagalog

Para sa cease talks (tigil-usapan) ang AFP-PNP at hindi sa peace talks ang itinutulak nito. Malinaw ito sa samu’t saring pakana ng berdugong tropa upang idiskaril ang peace talks na paulit-ulit nitong ginagawa mula pa nang magbukas ang negosasyon sa pagitan ng NDFP at GRP noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Isang patunay ang tuluy-tuloy na mga operasyong militar ng AFP-PNP sa mga eryang saklaw ng larangang gerilya ng NPA kahit may deklarasyong tigil-putukan ang NDFP at GRP. Nitong nagdaang Reciprocal Unilateral Ceasefire (RUCF) pa lamang, hayagang pumapasok ang mersenaryong tropa sa mga larangang gerilya. Sinisikap ng mga yunit ng NPA na umiwas sa mga labanan sa abot ng makakaya, subalit sa mga pagkakataong nanganganib ang buhay ng yunit at masa, nakahandang ilunsad ng NPA ang mga kontra-opensiba laban sa mga nag-ooperasyong AFP-PNP.

Tigas-mukhang ipinangangalandakan ng AFP-PNP na “hindi sinsero” at “ayaw sa kapayapaan ng CPP-NPA” gayong sila ang paulit-ulit na umaatake sa mga larangang gerilya kahit sa panahon ng tigil-putukan. Sa tuwing idinedeklara ng NDFP at GRP ang ceasefire para sa muling pagbubukas ng peace talks, lantarang nang-uupat ng laban ang mga operasyong militar at pulis sa mga larangang gerilyang saklaw ng CPP-NPA-NDFP. Walang karapatan ang AFP-PNP na ibunton sa NPA ang sisi sa tuwing may mga nagaganap na labanan sa panahon ng ceasefire dahil sa loob mismo ng mga larangang gerilya nagaganap ang mga labanan. Ang panghihimasok ng AFP-PNP sa teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan ay patunay na mulat na nilalabag ng AFP-PNP ang kasunduan sa tigil-putukan.

Patuloy ding sinisiraan ng AFP-PNP ang NPA sa midya. Sa Timog Katagalugan, ipinagkakalat ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na ginagamit ng CPP-NPA-NDFP umano ang nagdaang ceasefire upang makapangikil sa mga government projects, private contractors at business establishments at para makapagpalakas. Bahagi rin ito ng iskema ng AFP-PNP upang pagtakpan ang kanilang mga paglabag sa ceasefire at maikatwiran ang pagpapatigil ng peace talks sa NDFP.

Ang mga akusasyon at atake ng AFP-PNP sa panahon ng tigil-putukan ay pakana upang idiskaril hanggang sa tuluyang matigil na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Ni hindi maagap na nagdeklara ng Suspension of Military Operations (SOMO) ang pasista at utak-pulburang tropa sa nagdaang RUCF at noon lamang Disyembre 26 natanggap ng NDFP ang opisyal na kopya ng SOMO ng AFP at SOPO ng PNP. Sadyang hindi nila nanaising makamit ang makatarungang kapayapaan sa bansa upang makapaghari pa sa ganitong bulok na sistema. Kung gayon, mas malinaw sa mamamayan na ang tunay na peace saboteurs ay ang AFP-PNP.

Ang pakanang idiskaril ang peace talks ay sang-ayon sa kumpas ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga ahente nito sa Cabinet Cluster E na sina Lorenzana, Esperon at Año. Wala sa interes ng mga peace saboteurs na ito ang pagharap sa peace talks liban kung kagyat na nilalaman ng usapan ang pagsasalong ng armas ng NPA.

Sa kabilang banda, dalisay ang hangarin ng rebolusyonaryong kilusan sa pagharap sa peace talks dahil pagkakataon ito upang patuloy na maigiit ng NDFP ang inihapag nitong Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Nilalaman ng CASER ang kalutasan ng mga demokratiko at pambansang kahilingan ng mamamayan tulad ng lupa para sa mga magsasaka, pambansang industriyalisasyon, pagtigil ng kontraktwalisasyon at pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, hanapbuhay para sa mamamayan, libre at de-kalidad na edukasyon para sa kabataan, at iba pa. Malinaw sa mga yunit ng NPA na hangga’t hindi nakukuha ang mga naturang saligang kahilingan ng mamamayan, hindi nila isusuko ang kanilang armas at patuloy silang lalaban para makamit ito.

Samantala, may peace talks man o wala, magpapatuloy ang tungkulin ng NPA na ibagsak ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas at pagsilbihan ang mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan. Sa ganap na tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyong bayan, maitatatag ang demokrasyang bayan sa buong kapuluan at makakamit ang malaon nang hinahangad na pambansang paglaya, kasaganaan at demokrasya. ###

Ipagkaloob ang atensyong medikal kay Ka Diego

Melito Glor Command
New People’s Army
Southern Tagalog

January 12, 2020
Press Statement

Reference Person: Armando Cienfuego, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army — Southern Tagalog

Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang pagkakait ng atensyong medikal kay Jaime “Ka Diego” Padilla, dating tagapagsalita ng MGC-NPA ST. Si Ka Diego ay detenidong pulitikal na may malubhang karamdaman sa puso at katawan.

May serye ng mga paglabag ang AFP-PNP sa karapatan ni Ka Diego bilang hors de combat at detenidong pulitikal sang-ayon sa Comprehensive Agreement for Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Iligal siyang hinuli habang nagpapagamot sa Cardinal Santos Medical Center. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong murder at kidnapping. Itinago siya sa kanyang mga abogado at lihim na inilipat sa San Jose, Occidental Mindoro. At ngayon, pinagkakaitan siya ng atensyong medikal.

Hindi makatwiran ang pagkakait ng atensyong medikal kay Ka Diego. Malaking panganib sa kanyang buhay ang kawalan nito dahil seryoso ang kanyang karamdaman. Ginagamit ng AFP-PNP ang mga nakasampang gawa-gawang kaso kay Ka Diego para palabasing “terorista” at pigilan ang korte na pagkalooban si Ka Diego ng atensyong medikal. Malaking kalokohan pa ang sinasabi nilang nagkukunwari lamang si Ka Diego na may sakit gayong iligal siyang dinakip sa ospital.

Sa mga aksyong ito, pinatutunayan lamang ng rehimeng US-Duterte at ng AFP-PNP na sila ang mga tunay na terorista. Naghahasik sila ng takot at karahasan sa bayan tulad ng mga di-makatao at uhaw-sa-dugong mga terorista at mersenaryong AFP at PNP. Ginagamit nila ang dahas at kamay-na-bakal ng estado upang makapaghari nang walang taning. Mulat nilang nilalabag hindi lamang ang karapatang tao kundi maging ang mga saligang demokratikong karapatan ng mamamayan. Dahil dito, patuloy na tampulan ang tiranikong rehimen ng matinding disgusto at galit mula sa sambayanan. Ito ang magsisilbing gasolina sa umaalab na galit ng mamamayan at magpapabilis sa pagpapabagsak kay Duterte.

Nananatili ang panawagan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa para sa agarang pagpapalaya kay Ka Diego. Ang kanyang katatagan sa loob ng piitan ay inspirasyon sa buong rebolusyonaryong pwersa na magpatuloy at magsikhay sa pagrerebolusyon. ###

Bukas na liham sa mga mamamayan sa Batangas na nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal

Patnubay de Guia
Tagapagsalita, NDF-ST
Enero 14, 2020

Para sa mahal naming mga kababayan sa Batangas at mga karatig probinsya nito:

Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) at mga kaalyadong organisasyon nito sa rehiyon ay karamay at kaisa ng mga kababayan nating nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Tagos sa aming puso’t isipan ang hirap at sakit na inyong nadarama sa kasalukuyan at maging ang labis ninyong pag-aalala sa inyong mga naiwang ari-arian, mga alagang hayop, pananim at iba pang kabuhayan. Sa pamamagitan ng mga kaalyadong organisasyon at mga kaibigan ng NDFP-ST, gumawa ito ng mga paraan paano makakatulong mula sa aktwal na paglilikas, pangangalap ng mga pagkain, tubig, gamot, materyal at iba pang pangangailangan ng mga nagsilikas nating mga kababayan. Ang mga naorganisang boluntir ng NDFP-ST ay naruon na sa lugar at sa kasalukuyang naghahatid ng tulong sa mga nasalanta nating kababayan.

Umaapela na rin ang NDFP-ST sa lahat ng ating mga kababayan na magkaloob ng anumang tulong para sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Higit sa anupaman ay sumalig tayo sa sariling lakas, pagsasama-sama at pagdadamayan upang harapin at makabangon mula sa trahedyang dulot ng natural na kalamidad.

Patuloy pang nakataas ang babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) na sa anumang oras o mga araw maaaring mapanganib na pumutok ang bulkang Taal at magdulot pa ito ng tinatawag ng Philvocs na volcanic tsunami. Pinapayuhan namin ang lahat ng ating mga kababayan na agaran nang magsilikas lalo na ang mga naninirahan sa tinaguriang mapanganib na mga lugar (danger zones). Ang iba pang mga boluntir ng NDFP-ST ay nagsitungo na rin sa lugar upang tumulong at maisagawa ang organisadong paglilikas sa ating mga kababayan na naiipit pa sa mga mapanganib na lugar dahil sa mabagal na pagdating ng tulong mula sa gubyernong Duterte at kakapusan naman ng mga lokal na gubyerno.

Sa harap ng kainutilan ng gubyernong Duterte na mabilis na ihatid ang tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal, nauna pang magpadala ang lokal na pamahalaan ng Pampanga ng 50 sasakyang convoy ng mga medical volunteers at rescue teams, mga gamot, 8,000 food packs at iba pang pangangailangan ng mga biktima habang si Gobernador Suarez ng Quezon ay isang 7-kataong rescue team lamang ang ipinagmamalaking naipadala nya.

Ang pagputok ng bulkang Taal ay may pangmatagalang epekto sa pananim at iba pang kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda at iba pa lalo na yaong umaasa ang kabuhayan sa lawa ng Taal gayundin sa komersyo at iba pang pang-ekonomiyang aktibidad sa probinsya. Ang abo at buhangin na ibinuga ng pagputok ng bulkang Taal ay sisira sa kabahayan, sa libong ektarya ng pananim ng mga magsasaka hindi lamang sa mga bayang nakapalibot sa lawa ng Taal kundi maging sa kalapit na bayan sa loob ng probinsya ng Batangas, mga bayan sa hangganan ng Cavite, Laguna, Quezon at sa islang probinsya ng Mindoro. Napakalaki na din ang dinulot na pinsala sa mga fishpens/fish cages na nasa sa lawa ng Taal kung saan libong mangingisda ang apektado ang kabuhayan. May ulat na apektado din ang kita ng mga mangingisda sa mga baybaying dagat sa kanlurang Batangas hanggang sa dulong norte ng dalawang probinsya ng Mindoro dulot ng buga ng abo at buhangin ng pagputok ng bulkang Taal.

Sa ganitong kalagayan, hindi lamang nakatuon ang pansin ng NDFP-ST sa kagyat na pagtulong sa paglilikas at pagsasagawa ng mga relief operations sa mga nasalanta ng kalamidad dulot ng pagputok ng bulkang Taal. Nakatuon na rin ang atensyon ng NDFP-ST sa kasunod na yugto—ang rehabilitasyon. Sa katunayan, may mga inisyal na plano nang nabuo ang pamunuan ng NDFP-ST at mga magkakaalyadong organisasyon sa ilalim nito kung paano makakatulong sa gagawing pangmatagalang rehabilitasyon at pagbabangon muli ng kabuhayan ng mga nasalanta sa pagputok ng bulkang Taal.

Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan, sa abot ng kanyang makakaya, na maihatid sa taumbayang nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal ang mga kinakailangang tulong para sa rehabilitasyon ng kanilang mga nasirang kabahayan at kabuhayan. Batid namin na napakabigat na pasanin ang usapin ng rehabilitasyon. Bilyong halaga ang kailangan. Pero naniniwala kami na kapag malakas at masigla ang pagtutulungan at damayan nating lahat, kabilang ng iba pa nating mga kababayan sa Luzon, Visayas, Mindanao at mga nasa ibayong dagat, kakayanin nating makaalpas at makabangon muli sa pinsalang dulot ng pagputok ng bulkang Taal.

Subalit kailangan nating kumilos at makibaka upang ipanawagan at igiit sa gubyernong Duterte na laanan ng malaking pondo ang pagtulong at rehabilitasyon sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Ipanawagan na ibaling ang pondong nakalaan sa militar at kapulisan tungong pondo sa relief at rehabilitation programs nito. Nasasayang lang ang pondo ng bayan na nakalaan sa AFP at PNP sa bigong gyera kontra iligal na droga nito at sa pondong ginagamit sa mga operasyong militar ng mga ito na ang tanging napipinsala ay mga inosenteng sibilyan at kabuhayan ng mamamayan.

Kailangan ding itaas ang pagmamatyag ng mamamayan sa mga tiwaling pulitiko at upisyal ng reaksyunaryong gubyerno na sasamantalahin ang kalamidad na ito upang magkaroon ng opurtunidad na ibulsa ang milyun-milyong calamity fund na para sa mamamayan.

Kailangang magkaisa, kumilos at makibaka ang taumbayan para ipanawagan ang matagalang moratorium sa pagbabayad ng mga magsasaka sa upa sa lupa sa mga panginoong maylupa, sa taunang pagbayad sa certificate of land ownership award (CLOA) sa ilalim ng bogus na repormang agraryo ng pasistang rehimeng US-Duterte at sa pagbayad ng kanilang pagkakautang at paniningil mula sa mga institusyong pinansyal at financial cooperatives. Lalong kailangang ngayon ng kilusang masa na isulong at i-pursige ang mga pakikibaka para sa pagkakaroon ng trabaho, disenteng hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, libre at murang pabahay, pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mura at abot kamay na serbisyong pampubliko.

Mahalaga ding ipanawagan sa gubyerno ang moratorium sa pagbabayad ng dayuhang utang at pagsasantabi sa mga kwestyunableng utang na pinasok ng mga nakaraang rehimen at ng rehimeng Duterte sa bansang China at sa iba pang mga imperyalistang bansa lalo na sa Estados Unidos. Ang ibabayad sa utang ay dapat ilaan bilang pondo sa rehabilitasyon at tulong pangkabuhayan sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

Higit sa lahat, dapat kumilos at makibaka ang taumbayan para igiit sa pasistang rehimeng US-Duterte na itigil na ang pagpapatupad ng mga anti-mamamayang patakaran at polisiya na lalong nagpapahirap sa taumbayan dahil sa masugid na pagsunod nito sa mga imperyalistang imposisyon sa bansa ng US sa anyo ng neoliberalistang programa na pribatisasyon, deregularisasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon. ###

Hinggil sa pagputok ng Bulkang Taal

Pahayag | Patnubay de Guia
Tagapagsalita, NDF-ST
January 13, 2020

Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ay nananawagan sa lahat ng mga kasaping organisasyon nito at mga kaibigan at kaalyado sa rehiyon na magsagawa ng mga relief operation at tumulong sa paglilikas ng iba pa nating mga kababayan na nasa baybaying bayan na nakapalibot sa Taal Lake na kinaroonan ng nag-aalburotong Taal Volcano. Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang babala sa level 4 at nagsabi na anumang oras o araw ay magkaroon ng mapanganib na pagsabog ang bulkang Taal at kapag nasa alert level 5, ayon sa Philvocs, ay maaaring magdulot din ng volcanic tsunami ang pagputok ng bulkang Taal. Dahil sa ganitong sitwasyon, kailangan nating makapagmobilisa, sa mabilis na paraan na kakayanin, ng mga boluntir para agarang magsagawa ng mga paglilikas sa ating mga kakababayan sa probinsya ng Batangas at kaalinsabay magpatupad ng mga relief operations sa mga pagdadalhang evacuation areas.

Inaatasan din ang lahat ng mga kasaping organisasyon na magbuo ng mga task forces na siyang magsisilbing coordinating body para pamunuan ang paglilikas at pagsasagawa ng mga relief operations. Ang iba naman ay dapat sumentro sa pangangalap ng mga damit, pagkain, gamot, tubig at ibang materyal na gagamitin sa mga evacuation areas.

May mga nauna na tayong plano at mga standard operating procedures (SOP) na otomatikong pinatutupad sa panahon ng mga kalamidad. Kailangan na lang itong balikan at rebyuhin ng bawat kasaping organisasyon ng NDFP-ST upang maisakatuparan ang mabilis, puspusan at episyenteng relief operations at iba pang humanitarian missions.

Maaaring sa darating pang mga araw ay lalong titindi pa ang pag-aalboruto ng bulkang Taal kaya ang ating mga pagsisikap sa pagtulong at pag-alalay sa ating mga kababayan ay magpapatuloy habang patuloy ding gumagampan ng ating mga rebolusyonaryong gawain. Dapat laging ipauna ang kapakanan at kagalingan ng taumbayan lalo na ang mga kababayan natin sa Batangas na ngayon ay nahaharap sa matinding panganib dulot sa posibilidad na anumang oras o araw, ayon sa Philvocs, ay maaaring mangyari ang isang malakas at mapaminsalang pagputok ng bulkang Taal. Bigyan natin ng nararapat na tugon at atensyon ang kanilang pangangailangan sa kagyat.

Ngayon pa lamang ay malawak na ang naging pinsala sa pananim at kabuhayan ng ating mga kababayang magsasaka at mangingisda sa mga bayan na nakapalibot sa Taal Lake, sa iba pang bayan ng Batangas at maging sa mga karatig probinsya ng Batangas dahil sa makapal na abo at buhangin na ibinuga mula sa pagputok ng bulkang Taal. Matindi ang gagawing rehabilitasyon sa mga lupaing agrikultural at lawa ng Taal na nabalot ng makakapal na abo at buhangin na binuga ng pagputok ng bulkang Taal. Dapat nating paghandaan at matamang pagplanuhan, sa mga susunod na mga araw, kung ano ang ating mga susunod na hakbang para makatulong sa rehabilitasyon ng mga nasirang kabuhayan ng ating mga kababayan sa Batangas.

Pinapaalalahanan din ang lahat na laging maging alerto at mapagmatyag sa patraydor na mga pag-atake ng reaksyunaryong tropa ng AFP at PNP, na walang pinipiling panahon kung umatake, kahit panahon ng mga kalamidad. Ugali na ng AFP at PNP na militarisasahin at birahin ang anumang mga humanitarian missions na isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan at maging ng mga progresibong organisasyon at grupo, ng mga grupong sibiko at taong simbahan dahil sa hindi nila kinikilala ang Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng GRP at NDFP nuong 1998 kabilang ang iba pang makataong batas sa ilalim ng international humanitarian law ng United Nations.###

Hinggil sa mga pinakahuling kasinungalingan ng SolCom

Pahayag | Patnubay de Guia
Tagapagsalita, NDF ST
January 8, 2020

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang malisyosong paratang ni Lt. Colonel Dennis Cana, public information officer ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ng AFP, na ginamit lang ng CPP-NPA-NDFP ang nakaraang tigil putukan para makapangikil sa mga government projects, private contractors at business establishments at ganundin para makapagpalakas.


Sa likod ng mga akusasyong ito, mas dapat ipaliwanag ni Cana ang pag-iral ng sari-saring sindikatong kriminal sa loob ng AFP at PNP. Dapat ipaliwanag ni Cana kung papaano ibinubulsa at pinagkakwartahan ng mga opisyal na tulad nya ang milyun-milyong pondo ng E-CLIP at gunrunning syndicate sa loob ng Logistic Command ng AFP.


Sa isang banda, hindi maipagkakaila ni Cana na ang pinakamataas na upisyal ng PNP na si Albayalde ay siya mismong protektor ng mga ninja cops sa pagresiklo ng iligal na droga. Ang buong institusyon mismo ng AFP at PNP ang pinakamalaking sindikato sa bansa na pinamumugaran ng sari-saring kriminal sa mga operasyong kidnap-for-ransom, gun-for-hire, protection racket, drug trade, human trafficking, jueteng at lahat ng uri ng kriminalidad.
Bawat matataas na opisyal ng AFP at PNP ay tumatanggap ng daan-daang libong buwanang payola o suhol mula sa mga jueteng lord bilang proteksyon sa kanilang iligal na impormasyon. Kaya Lt. Col. Cana, sino ngayong ang mangingikil?


Gaano man ang gawing pagandahin ang imahen ng AFP at PNP, hindi mabubura ang mersenaryo at marahas na katangian nito sa pagdahas at pagsupil sa mamamayan.
Kung tatanungin ang mamamayan kung sino ang tunay na salarin, mangingikil at magnanakaw, walang pag-aatubiling ituturo nila ang mga elemento ng AFP at PNP. Mga tropa ng AFP ang nagnanakaw ng kanilang mga alagang manok at baboy tuwing nag-ooperasyon ito. Mga tropa ng AFP ang sumusunog at sumisira sa kanilang pananim. Mga tropa ng AFP ang nananakit, nagpapahirap, nanggagahasa at pumapatay sa walang kalaban-labang mga sibilyan.
Isinusuka ng maliliit na negosyante at mga byahero ang mga checkpoint ng AFP at PNP na talamak sa pangongotong at pangingikil. Kaya naman, laking tuwa at ipinagbubunyi nila tuwing pinatatamaan ng mga aksyong militar ng NPA ang mga tropa ng AFP at PNP.


Nais iligaw ni Cana ang tunay na isyu sa usapang pangkapayapaan at tigil-putukan. Binabaluktot ni Cana ang usapin na nakikinabang lamang dito ang CPP-NPA at NDFP. Subalit nakikinabang din dito ang AFP-PNP at gubyernong Duterte dahil sa panahong nakatayo ang tigil-putukan, isinuspindi at ipinagpaliban ng NPA ang mga aksyong militar laban sa AFP-PNP at mga paramilitar na nasa ilalim ng AFP para likhain ang paborableng klima para muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Disin sana’y maraming ulit nang pinatamaan ng mga taktikal na opensiba ng NPA ang mga tropa nilang nagsasagawa ng focused military operation.


Lupa at langit ang pagkakaiba ng NPA sa AFP-PNP. Kaya naman labis na minamahal at tinatangkilik ng mamamayan ang NPA na tanging hukbong tagapagtanggol nila laban sa lahat ng mapang-api at mapagsamantalang uri kabilang ang mersenaryong instrumento ng estado ng naghaharing uri. Kung gaano minamahal ng masa ang NPA ay ganun din nila kinamumuhian ang mersenaryo at pasistang AFP at PNP.


Hindi na kailangan pang isa-isahin ang dahilan. Batid ng masa mula mismo sa kanilang karanasan kung sino ang tunay na hukbo nila. Papayagan ba ng masa na ibigay ang pinakamahuhusay nilang anak para maglingkod sa NPA kahit walang sweldo kung hindi nila itinuturing itong kanilang hukbo?


Sa AFP at PNP, sino ang mangangahas maglingkod nang tapat sa interes ng bayan at masa kung hindi tatanggap ng sweldo at kabayaran? Pera at pabuya ang motibasyon ng bawat elemento ng AFP at PNP kaya sila nananatili sa serbisyo. Pabalat bunga na lamang ang sinasabi nilang maglingkod at magtanggol sa mamamayan. Ang totoo, institusyon sila sa pagtatanggol sa interes ng mga mapagsamantala at mapang-api at sa pagsupil sa demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.


Kaya Lt. Col. Cana, bago ka magbitaw ng paninira sa rebolusyonaryong kilusan, tingnan mo muna ang tunay na imahen ng kinabibilangan mong institusyon at ang ipinagtatanggol na interes ng mersenaryong tradisyon nito. ###

Ibasura ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, Oil Deregulation Law at lahat ng mga anti-mamamayang patakaran at programa na ipinatutupad ng pasistang rehimeng US-Duterte

Pahayag | Patnubay de Guia
Tagapagsalita, NDF ST
Enero 6, 2020

Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ay nakikiisa at sumusuporta sa panawagan ng taumbayan sa pagbasura sa Oil Deregulation Law, Train Law at lahat ng anti-mamamayang patakaran at programa ng pasistang rehimeng US-Duterte na nagdudulot ng labis na kahirapan sa sambayanang Pilipino. Ito ang napapanahon na solusyon na kailangang agarang ipatupad ng rehimen sa gitna ng lumalaking banta ng pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dahil sa lumalang tensyon at sigalot sa Gitnang Silangan. Ang anumang pagsirit ng presyo ng langis sa pandigdigang pamilihan ay mas matindi ang tama at epekto sa mga bansang tulad natin na pangunahing umaasa sa importasyon ng langis para sa konsumo at pangangailangan ng industriya ng bansa.
Lalong pinag-alab ang dati nang sigalot at tensyon sa pagitan ng bansang Iran at USA nang ipag-utos ni Pangulong Donald Trump ng USA ang pagpatay kay Major General Qasem Soleimani, commander ng Iranian Revolutionary Guards’ Quds Force at iba pang kasamahan nitong matataas na opisyal militar ng Iran at kaalyadong Iraqi militias na Hashed al-Shaabi, habang patungo sa Baghdad International Airport noong Enero 3, 2020. Ito’y malinaw na isang lantarang agresyon sa soberenya ng bansang Iraq kung saan ginawa ang pagpatay ng USA sa grupo nina General Soleimani mula sa Iran at sa mga Iraqis na kabilang sa Hashed al-Shaabi militias. Umani ng mga pagbatikos ang aksyon ni Trump at US sa pagpatay kay General Soleimani, pinakamataas na heneral ng Iran, hindi lamang mula sa ibang bansa kundi maging sa loob ng USA lalo na mula sa karibal niya sa pulitika na mga Democrats na dominado ang mababang sangay ng Kongreso. Maging ang bansang Saudi Arabia na kilalang mayaman sa suplay ng langis sa buong daigdig at pangunahing kaalyado ng bansang USA ay hindi nagustuhan ang ginawa ng USA.


Tiyak na mauuwi sa lalong pagtindi ng tensyon at armadong komprontasyon sa pagitan ng USA at Iran ang ginawang pagpatay kay Soleimani na ipinag-utos ni Trump. Gumawa ng pagbabanta ang Iran na gaganti sa ginawang pag-atake ng USA. Magbibigay daan ito sa pagtindi ng krisis sa gitnang Silangan at sa pagliit ng suplay ng langis sa merkado na hahantong upang panibagong itaas ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang pandaigdigang presyo ng langis.


Ang mga bansang Iran, Iraq at Saudi Arabia ang ilan sa mga malaking prodyuser ng langis sa buong daigdig. Ang nangyayaring pag-igting ng sigalot sa pagitan ng Iran at USA ay lalong magbibigay daan para sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at guguluhin ang takbo ng kalakaran sa pandaigdigang saklaw. Tiyak na maaapektuhan nang higit ang mamamayan sa mga atrasadong bansa.
Samantala ang ginawa ng imperyalismong Amerikano ay magdudulot din ng panganib at problema sa buhay at trabaho sa mga kapatid nating overseas Filipino workers na nasa Iran at Iraq sakaling sumiklab ang gyera sa Gitnang Silangan. Nasa 1,600 ang mga OFW ang mga nagtatrabaho sa bansang Iran at 6,000 naman ang nasa Iraq. Walang naghihintay na trabaho sa kanila sa Pilipinas sakaling pwersahan silang palikasin ng gubyernong Duterte kapag sumiklab ang digmaan sa Gitnang Silangan.


Patuloy ang ginagawang pagbabanta ni Pangulong Trump na mayroon pa silang target na 52 na lugar sa Iran na pwede nilang atakehin kabilang ang ilang heritage and cultural places ng bansa. Pinapakita lamang nito ang kagustuhan ng USA na lumikha ng tensyon at mang-upat ng giyera sa iba’t ibang panig ng daigdig upang protektahan ang kanyang hegemonikong interes at kumita ang negosyo sa pagbebenta ng malalakas na sandatang pandigma.


Sa harap ng sumasahol na kalagayan, marapat na higit na palakasin at pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino ang pakikibaka at panawagan sa pagbabasura sa Oil Deregulation Law, Train Law at lahat ng mga anti-mamamayang patakaran at programa na pinatutupad ng rehimeng Duterte. Ang mga naturang batas ang sanhi ng lalong paglobo ng mga pangunahing bilihin at mga batayang serbisyo sa bansa na ang mga mahihirap nating kabababayan ang pangunahing tinatamaan at pumapasan.


Ang pagsasabatas ng Oil Deregulation Law, Train Law, Rice Tariffication Law at iba pang anti-mamayang programa ng mga naunang rehimen at ng kasalukuyang rehimeng US-Duterte ay resulta ng pagpapatupad ng reaksyunaryong estado ng mga patakarang neoliberalista na deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Dapat puspusang labanan at igiit ng taumbayan ang pagbabasura sa patakarang neoliberal ng rehimeng US-Duterte at igiit na kumawala sa lahat ng mga kasunduan sa GATT-WTO, mga imposisyon ng IMF-WB at maging sa mga makaisang panig na kasunduan na pinasok ni Duterte pabor sa imperyalistang China.
Dapat ding igiit sa gubyerno na humanap ng panggagalingan ng enerhiya ang bansa na higit na mura, malinis at hindi nakakasira ng kalikasan upang hindi lubusang umasa ang Pilipinas sa importasyon ng langis mula sa ibang bansa.
Nakikiisa ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino at sa mga pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan ng daigdig sa pagkundena sa ginawang lantarang agresyon ng USA sa soberenya ng bansang Iraq at sa paglikha ng iba’t ibang tensyon at sigalot sa Gitnang Silangan at sa iba pang panig ng daigdig. Minsan pang pinakita ng USA ang kanyang mukha bilang nangungunang terorista at agresor sa pandaigdigang saklaw. ###