Pagbati sa pagbatikos ng UPLB sa Pamilyang Marcos

September 25, 2017

Press Statement

Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command –  New People’s Army Southern Tagalog


Pagbati sa pagbatikos ng UPLB sa pamilyang Marcos

Binabati ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog (MGC – NPA ST) ang mga estudyante, guro, at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na naglunsad ng pagkilos laban sa isinagawang aktibidad ng mga tagasuporta ni Marcos upang dakilain ang diktador sa loob ng kanilang pamantasan.

Sa panahong ito, agresibo ang lahat ng makinarya ng rehimeng US-Duterte upang ipatanggap sa mamamayan ang nakaambang pagpapalawig ng Martial Law sa buong bansa. Samu’t sari rin ang pakana ni Duterte upang baluktutin ang kasaysayan at dakilain ang pasistang diktador na si Marcos.

Kaya naman, marapat lamang na maglunsad ng mga kilos protesta upang maglinaw sa mamamayan hinggil sa mga atrosidad ng Martial Law ng pasistang diktadurang US-Marcos. Dapat ding ilantad ang mga tangka ni Duterte na sumunod sa yapak ng iniidolo niyang si Marcos katulad na lamang ng tatlong gera na inilunsad niya laban sa sambayanang Pilipino, pagkontrol sa lahat ng sangay ng reaksyunaryong gubyerno, at pagpapatahimik ng kanyang mga kritiko pati na rin ang mga kaaway niya sa pulitika.

Kaya naman, nananawagan ang MGC – NPA ST sa lahat ng mamamayan sa rehiyon at sa buong bansa na ilantad at labanan ang pasistang rehimeng US-Duterte. Napatunayan na noong panahon ng diktadurang US-Marcos na tanging sa pamamagitan ng digmang bayan maibabagsak ang isang pasistang rehimen.  Kailangang magbuklod ang malawak na hanay ng masang Pilipino upang biguin ang lantay-pasistang atake ng rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng gera kontra iligal na droga, todo gerang Oplan Kapayapaan, Martial Law sa Mindanao at de facto Martial Law sa buong bansa. Dapat ring palakasin ng mamamayan ang Bagong Hukbong Bayan bilang tunay na tagapagtanggol ng interes ng mamamayan sa pamamagitan ng malawakang pagpapasampa ng mga bagong pulang mandirigma, lalo na mula sa kabataang estudyante.###


Never again to Martial Law!
Digmang bayan sagot sa Martial Law ng rehimeng US-Duterte!

Leave a comment