Kundenahin ang selektibong hustisya ng GRP! Panagutin si Marcelino at ang AFP bilang mga tunay na drug lord ng malaking sindikato ng droga sa Pilipinas!

Press Release

May 19, 2016

 

Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla,

Tagapagsalita, Melito Glor Command

 

 

Kundenahin ang selektibong hustisya ng GRP! Panagutin si Marcelino at ang AFP bilang mga tunay na drug lord ng malaking sindikato ng droga sa Pilipinas!

 

Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog ang pag-abswelto ng Department of Justice kay Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino, pinuno ng Special Enforcement Agency ng PDEA sa pagkakasangkot sa iligal na bentahan ng droga sa bansa.  Sa gitna ng libo-libung pamamaslang ng mga pwersang panseguridad ng estado sa sinumang mapaghihinalaang gumagamit ng isang sachet ng  shabu ay inabswelto naman nito ang isang utak ng sindikato ng iligal na droga sa loob mismo ng AFP.

 

Matatandaang noong Enero 21, ng nakaraang taong 2016 ay nahuli si Marcelino sa isang drug raid operation ng PDEA sa isang apartment sa Sta. Cruz, Maynila kung saan nakumpiska sa kanya ang 76,697.7 gramo ng shabu na nagkakahalagang P380 milyon.  Sinampahan sya ng mga kasong manufacture, conspiracy to manufacture and possession of illegal drugs.

 

Minaniobra ng matataas ng opisyal ng AFP, ng DOJ at iba pang kaalyado ni Duterte ang pag-abswelto at pagpapalaya kay Marcelino sa kanyang patung-patong na kaso para gamitin sya laban sa isa sa mga birador ni Duterte na si Senator Leila de Lima.  Pinalabas nila na nasa isang lehitimong undercover drug operation si Marcelino nang mahuli ito ng iba pang ahente ng PDEA noong Enero 2016.

 

Nasangkot din si Marcelino sa drug operations ng AFP sa Southern Tagalog nang maging hepe sya ng Military Intelligence Group (MIG 4- ISAFP- AFP) na nakabase sa Camp Eldridge, Los Baños, Laguna.  Bilang hepe ng MIG 4, tumatanggap si Marcelino ng milyon-milyong pera mula sa iligal na droga na ginagamit ng AFP bilang pansuporta sa kanyang personal na pagpapayaman. Tumatanggap ng atas si Marcelino mula mismo kay AFP Chief-of-Staff Eduardo Año na dating hepe ng Intelligence Service of  the AFP (ISAFP).  Inuutusan ni Marcelino ang iba pang tauhan nila sa MIG 4 na sikretong magbenta ng iligal na droga sa tabing ng mga operasyong paniktik sa saklaw ng rehiyong ST.

 

Kasapakat naman ni Lt. Col. Marcelino ang kanyang kapatid na si Boy Marcelino para magsilbing isang deep cover agent sa tabing ng pagiging staff  ng Tribal Center for Development (TCD), isang NGO na nakabase sa Infanta, Quezon para buwagin ang pagkakaisa ng mga katutubong Dumagat at Remontado sa bulubundukin ng Sierra Madre sa balangkas ng kontra-rebolusyonaryong mga programa ng reaksyunaryong gobyerno at militar.  Niloloko ng magkapatid na Marcelino kasabwat ng mga taga-TCD ang mga katutubong Dumagat at Remontado para ilihis sila sa rebolusyonaryong paglaban at pagtutol sa mapaminsalang mga proyekto sa kanilang lupaing ninuno kabilang ang proyektong Laiban (Kaliwa) at Kanan Dam sa Sierra Madre.

 

Malalim na ang krimen at pananagutan ni Lt. Col. Marcelino sa mamamayan ng Southern Tagalog at maging sa buong bansa.  Ang mga katulad niya na sumisira sa buhay at kinabukasan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng droga sa bansa ay hindi dapat makalaya at magtamasa ng marangyang buhay habang ang maliliit na mamamayang biktima ng droga ay walang awang ikinukulong at pinapatay.

 

Sa pag-abswelto kay Lt. Col. Marcelino, malinaw na selektibo ang katangian ng hustisyang ipinatutupad ng reaksyunaryong gobyerno sa balangkas ng “gyera kontra-droga” ng gubyernong Duterte.  Malinaw na ang pangunahing tagapagtangkilik at tagapagbigay-proteksyon sa malalaking sindikato ng droga sa bansa ay nasa loob mismo ng burukrasya, ang AFP sa pamamagitan ng mga pangunahing opisyal nito.

 

Hinahamon ng MGC-NPA ST ang rehimeng Duterte na kung talagang sinsero syang sugpuin ang gyera sa bansa ay unahin ang malalaking sindikato ng droga na syang utak at pangunahing nakikinabang sa limpak-limpak na salaping kinikita mula rito.  Hindi nya dapat hayaan ang mga katulad ni Marcelino para lamang gamiting pambala laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika.

 

Sa harap ng mga pangyayaring ito, makakaasa ang mamamayan ng ST at buong bansa sa MGC-NPA ST sa pagpapanagot at paggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng mga naging biktima ni Marcelino at mga katulad nya. Kung nakaligtas si Lt. Col. Marcelino sa kamay ng reaksyunaryong gubyerno sa pamamagitan ng gubyernong Duterte; titiyakin ng demokratikong gobyernong bayan sa pamamagitan ng New People’s Army na makakamit ng mga biktima ang rebolusyonaryong hustisya.###

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s